Search This Blog

Wednesday, June 12, 2019

Mensahe ng Pangalawang Pangulo Leni Robredo Para sa Araw ng Kalayaan

VP Leni Robredo Facebook Photo

Sa araw na ito, bilang nagkakaisang lahi, ipinagdiriwang natin ang ika-isangdaan at dalawampu't isang taon ng pagkamit ng ating pinaglabang kalayaan. Kinikilala natin ang lahat ng nagsumikap at lumaban para matupad ang pangarap ng isang malayang Pilipinas, at para sa karapatan ng bawat Pilipinong panghawakan ang sarili niyang kinabukasan. Kinikilala natin ngayon ang mga sakripisyong ginawa ng magigiting na bayani ng ating kasaysayan, na nagbigay-daan para sa mga kalayaang tinatamasa at iniingatan natin ngayon. 

Sa paggunita natin ngayon ng ating kasarinlan, sana ay balikan natin kung paano, bilang isang lahi, ay pinili nating sundin ang sarili nating landas, magtayo ng sarili nating gobyerno, at magtatag ng sariling estado. Sa pagtutulak ng interes na ito, inako natin ang responsibilidad na gumawa ng isang lipunang malaya, makatarungan, at makatao. Isang lipunan kung saan ang bawat Pilipino ay may oportunidad na mabuhay nang sagana at mapayapa.

At hanggang sa araw na ito, nakaatang ang responsibilidad na ito sa bawat isa sa atin. Ito ang pinaglaban ng mga nauna sa atin, at ito na rin ang tungkuling iniiwan sa atin upang gampanan: ang masigurong nabubuhay tayo sa isang Pilipinas kung saan umaangat ang bawat isang mamamayan. Bilang mga lingkod bayan, nasa ating pananagutan ang pangarap na ito para sa bawat Pilipino: na lahat ay kabahagi at walang maiiwan. Na lahat ay may pantay-pantay na oportunidad sa pag-unlad.

Paghugutan sana natin ng lakas ang araw na ito upang harapin ang mga hamon na hinaharap ng bansa. Nawa’y pukawin ng pagdiriwang na ito ang isang malalim na pagmamahal para sa bayan, at maging paalala sa bawat isa ng kung ano ang kaya nating marating sa ating pagbabayanihan.

Isang mapagpalayang araw, at mabuhay ang sambayanang Pilipino!


No comments:

Post a Comment