Tuesday, February 25, 2020
Pahayag ni VP Leni Robredo sa ika-34 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution
Tatlumpu’t apat na taon na ang nakakalipas mula nang nagkaisa tayo sa EDSA.
Naroon po ako, kasama ang milyun-milyon pang nagtipon upang igiit ang dignidad ng bawat Pilipino. Halu-halong damdamin ang nagdala sa amin doon: Pagkadismaya sa nangyayari sa lipunan; galit sa pang-aabuso ng rehimeng Marcos. Higit pa rito, naroon din ang pag-asa—na kung magkakaisa tayo, kung magiging handa tayong magsakripisyo at unahin ang kapwa kaysa sarili, sasapat ang pinagsanib nating lakas para magdala ng kongkretong pagbabago. Pag-ibig ang nagbuklod sa sambayanan noon: Pag-ibig para sa bansa, para sa isa’t isa, para sa ating mga kahanay na lumaban para sa tama. Para rin ito sa susunod na salinlahi ng Pilipino, na harinawa’y hindi na nila kakailanganing danasin ang lupit ng diktadurya.
Nagtagumpay tayo noon, at patuloy nating tinatahak ang landas upang makamit ang mga mithiin ng EDSA. Mulat tayo: Walang perpektong pinuno, at walang perpektong demokrasya. Ngunit hindi tayo nagtipon noon para manawagan ng perpektong pinuno o perpektong demokrasya.
Ang hinangad natin: Mabuhay nang may dignidad. Isang gobyernong hindi magsisinungaling, hindi magnanakaw, at hindi tayo aapihin. Hindi tayo papatayin. Sa madaling salita: Isang gobyernong gagawin ang sinumpaan niyang tungkulin.
Ngayon, may mga nagtatangkang burahin ang alaala ng EDSA para sa pansarili nilang agenda. Tatlumpu’t apat na taon pa lang ang nakakalipas: kasama pa natin ngayon ang marami sa nagtipon noon—silang mga sumubaybay sa balita habang nagaganap ang rebolusyon, at malamang ay nakadanas din ng pagmamalupit ng diktadurya. Utang natin sa kanilang huwag bigyang-puwang ang mga kasinungalingan. Ipakuwento natin sa kanila ang kanilang mga nasaksihan. Itanong natin sa kanila kung paano sila nakahanap ng tapang na humarap sa mga tangke, sa baril at bayoneta, sa mga eroplanong umuugong sa kalangitan, na sa isang iglap ay puwedeng magpaulan ng bomba sa mga nagtipon.
Sa harap ng mga kuwentong ito, tiyak ko: mas titibay ang ating paninindigan. Buo pa rin ang aking paniniwala: mas malakas ang mga bagay na nagbibigkis sa atin, kaysa sa mga pagkakaiba o hidwaang pilit tayong pinagwawatak. Magsilbi nawang babala ang EDSA sa sinuman ang muling magtatangkang ikuyom tayo sa loob ng kamaong bakal: Hindi sila magtatagumpay.
Pag-aari ng bawat Pilipino ang EDSA. Buhay ang diwa nito: Lahat tayo ay humaharap sa mga hamon, at lahat tayo, may angking lakas upang daigin ito. Hindi tayo nag-iisa. Wala sa ating nag-iisa.
Maligayang anibersaryo ng EDSA sa ating lahat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment